Ipinahayag ng Philippine National Police (PNP) na nakatakda itong mag-acquire ng humigit-kumulang 17,000 body-worn cameras bilang bahagi ng pagpapalakas ng transparency at accountability sa mga operasyon ng pulisya.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., ang mga bagong kagamitan ay “AI-ready” at direktang ikokonekta sa central system upang maiwasan ang pagmanipula o pagbura ng mga video footage.
“We’ll be soon getting our 17,000 units of body-worn cameras,” ani Nartatez.
Dagdag pa niya, ang sistema ay may real-time connectivity na awtomatikong nagsi-save ng recordings sa centralized platform, kaya’t hindi na ito maaaring mabura o baguhin.
Bukod sa modernisasyon ng kagamitan, sinabi rin ni Nartatez na ang response time ng pulisya sa Metro Manila ay nasa tatlo hanggang apat na minuto na lamang, at inaasahang lalo pang mapabubuti sa pagdating ng bagong teknolohiya.
Samantala, palalakasin din ng PNP ang tourist police operations sa iba’t ibang lugar sa bansa, kabilang ang mga probinsya tulad ng Bohol, upang masiguro ang kaligtasan ng mga turista.
Ayon sa opisyal, iisa-isahin ng PNP ang mga probinsya upang matiyak na ang bawat rehiyon ay may sapat na proteksyon para sa mga bisita at lokal na komunidad.














