Itinanggi ng United States Central Command ang ulat na tinamaan ng Iran ang isang U.S. Navy vessel, kasunod ng pahayag ng ilang Iranian news agencies na umano’y may inatakeng barko malapit sa isang port sa timog-silangan ng Strait of Hormuz.

Ayon sa Iran, lumabag umano sa maritime security ang naturang barko at napilitang umatras matapos ang insidente. Gayunman, mariing pinabulaanan ng U.S. Central Command na may anumang Navy ship na tinamaan o naapektuhan sa naturang pangyayari.

Kasabay nito, inanunsyo ng U.S. military ang isang bagong inisyatiba na inendorso ni U.S. President Donald Trump, kung saan maaaring gamitin ang naval at air assets upang gabayan ang mga commercial vessel na dumadaan sa Strait of Hormuz, isang rutang patuloy na apektado ng tensyon.

Ayon sa mga ulat, ilang barko ang umano’y inaatake o pinipigilan ng Iran kapag walang pahintulot ang kanilang pagdaan sa naturang katubigan.

Advertisement

Pinayuhan ang mga barko na umiwas sa direktang pagdaan at gamitin ang mga katubigan ng Oman sa ilalim ng itinalagang “enhanced security area.”

Tinawag ng Iran ang hakbang ng Estados Unidos na paglabag sa umiiral na ceasefire, habang iginiit naman ng U.S. na bahagi ito ng “Project Freedom” na layong tumulong sa mga seafarer na na-stranded at nakararanas ng kakulangan sa pagkain at tubig sa gitna ng tumitinding tensyon sa rehiyon.

Advertisement