Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na ligtas at walang impeksyon ang 38 Filipino crew members na sakay ng isang Atlantic cruise ship na iniulat na may kaso ng hantavirus, kabilang ang tatlong pasaherong nasawi.
Ayon kay DOH spokesperson Undersecretary Albert Domingo, wala umanong naitalang positibong kaso ng hantavirus sa mga Pilipinong crew base sa ulat ng World Health Organization (WHO), at patuloy ang mahigpit na koordinasyon ng ahensya sa mga awtoridad.
Lumabas ang pahayag matapos maiulat na tatlong pasahero ng cruise ship ang namatay dahil sa hantavirus infection, habang tatlo pa ang kasalukuyang ginagamot.
Tiniyak ng DOH na patuloy ang monitoring at koordinasyon kaugnay ng sitwasyon, lalo’t may mga hakbang na rin para sa posibleng evacuation ng nasa 150 pang pasahero na nasa loob ng barko.
Ayon pa sa ahensya, wala pang naitatalang kaso ng hantavirus sa Pilipinas ngayong 2026.
Ang hantavirus ay isang sakit na naipapasa sa tao mula sa mga daga at maaaring magdulot ng malubhang komplikasyon, at sa ilang kaso ay nakamamatay, ayon sa mga health authorities.












