Kinumpirma ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na may natanggap siyang impormasyon hinggil sa umano’y P500 milyong halaga ng proyekto na iniuugnay kay Senador Rodante Marcoleta, batay sa sinasabing sulat-kamay ng yumaong dating opisyal ng DPWH.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, naglalaman umano ang dokumento ng detalye ng mga proyektong inilaan kay Senador Rodante Marcoleta, na sinasabing mula sa sulat-kamay ng yumaong si Maria Catalina Cabral, dating undersecretary ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Gayunpaman, nilinaw ni Lacson na ang pagkakaroon ng tinatawag na “allocables” ay hindi ilegal. Aniya, mahalagang masuri kung ang mga proyektong ito ay aktuwal na naisagawa at hindi nauwi sa “ghost” o substandard projects.
Dagdag pa ng Senate President Pro Tempore, susuriin ng Senado ang mga isinumiteng proyekto ng mga mambabatas upang matukoy kung may iregularidad, at hindi agad nangangahulugan ng paglabag sa batas ang paghingi ng pondo para sa proyekto.
Binanggit din ni Lacson na maraming mambabatas mula sa parehong kapulungan ng Kongreso ang may ganitong “allocables,” na maituturing umanong modernong anyo ng pork barrel.
Samantala, mariing itinanggi ni Senador Rodante Marcoleta ang paratang at tinawag itong “malicious,” iginiit na walang basehan ang alegasyon at isa lamang umano itong pagtatangkang sirain ang kanyang reputasyon.
Ayon kay Senador Rodante Marcoleta, kung ang pagbibigay ng endorsement sa mga proyekto ang magiging batayan ng imbestigasyon, halos lahat ng senador ay dapat ding siyasatin dahil karaniwan umano itong ginagawa sa Kongreso.
Ipinunto rin niya na hindi maaaring pilitin ang mga senador na pumirma sa partial committee report, at inakusahan si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson ng pagiging selective sa paghahanap ng pananagutan.
Nag-ugat ang tensyon sa pagitan ng dalawang senador matapos mapalitan si Senador Rodante Marcoleta bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na ngayon ay pinamumunuan ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa flood control projects.














