Nagbabalik ang pangamba ng COVID-19 lockdown sa mga residente ng Canary Islands matapos na papuntahin sa Canary Islands ang cruise ship na MV Hondius na apektado ng outbreak ng hantavirus, sa kabila ng pagtutol ng lokal na pamahalaan.

Ang MV Hondius, lulan ang humigit-kumulang 150 pasahero at crew, ay inaasahang dumaong sa Tenerife sa Sabado matapos pumayag ang World Health Organization at ang pamahalaan ng Spain na tanggapin ang barko para sa masusing paghawak ng mga kaso.

Ayon sa World Health Organization, mababa ang panganib sa publiko at ang natukoy na strain ay kumakalat lamang sa pamamagitan ng close at prolonged contact sa pagitan ng tao.

Gayunman, nagdulot ito ng matinding reaksyon mula sa ilang residente at sektor sa turismo, na nangangambang mauulit ang mga lockdown tulad noong COVID-19 pandemic noong 2020, kung saan libu-libong turista ang na-stranded sa Tenerife.

Advertisement

Ikinuwento ng mga residente ang takot na posibleng maapektuhan muli ang mga ospital, paaralan, at komunidad sakaling magpatupad ng quarantine protocols sa isla.

Ayon sa Spanish Health Ministry, ang mga pasaherong walang sintomas ay iuuwi sa kani-kanilang bansa, habang ang 14 na Spanish nationals ay ililipat sa Madrid para sa quarantine at gamutan.

Sa panig ng lokal na industriya ng turismo, iginiit ng ilang opisyal na tila pinapasan na naman ng Canary Islands ang responsibilidad sa krisis, dahil sa pagiging isa nitong pangunahing tourist destination.

May mga residente rin na nagtanong kung bakit sa Canary Islands idiniretso ang barko imbes na sa ibang daungan sa Spain o sa ibang bansa.

Samantala, may ilan ding nangangamba sa posibleng epekto nito sa mga nakatakdang pagbisita at malalaking event sa isla sa mga susunod na buwan, kabilang ang inaasahang pagbisita ng Santo Papa.

Advertisement