Nakikipag-ugnayan na ang Department of Environment and Natural Resources sa Office of the Solicitor General para sa posibleng legal na hakbang kaugnay ng patuloy na sunog sa Navotas sanitary landfill na nakaapekto sa kalidad ng hangin at kalusugan ng mga residente sa Metro Manila.

Ayon sa DENR, pinag-aaralan nila kasama ang Office of the Solicitor General ang iba’t ibang legal remedies upang matukoy ang pananagutan sa insidente, habang tiniyak na mabibigyan ito ng kaukulang aksyon sa ilalim ng batas.

Sinabi rin ng ahensya na ang pananagutan sa insidente ay maaaring umabot sa Environmental Compliance Certificate (ECC) holder o sa operator ng landfill, lalo na kung may paglabag sa mga nakatakdang environmental safeguards.

Ayon sa Jonvic Remulla, kasalukuyan pang pinag-aaralan ng pamahalaan kung sino ang dapat managot sa sunog.

Advertisement

Samantala, naglabas na ng Notice of Violation (NOV) ang Environmental Management Bureau laban sa operator ng landfill dahil sa umano’y kabiguan nitong magsumite at magpatupad ng Safe Closure and Rehabilitation Plan at Abandonment Plan.

Ipinaliwanag ng DENR na mahalaga ang mga planong ito upang matiyak ang tamang pagsasara ng landfill at maiwasan ang mga panganib tulad ng methane gas build-up na maaaring magdulot ng sunog.

Nagsimula ang sunog sa Navotas landfill noong Abril 10 at kasalukuyang nasa humigit-kumulang 80% containment na, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority.

Inaasahan ng mga awtoridad na tuluyang maaapula ang apoy sa loob ng apat hanggang limang araw.

Advertisement