Photo ©Web

Naghain si Senador Ronald Dela Rosa ng dalawang panukalang batas sa Senado sa kabila ng kaniyang patuloy na hindi pagdalo sa mga sesyon ng kapulungan.

Batay sa rekord ng Senado, kabilang sa mga inihain ni Dela Rosa ang Proposed Senate Bill No. 2080 o ang Counter Foreign Interference Act, na layong magpataw ng parusa laban sa mga dayuhang umano’y nakikialam sa mga usaping panloob ng bansa.

Inihain din niya ang Senate Bill No. 2079 o ang National Police Clearance System Act, na naglalayong palakasin ang operasyon ng police clearance system sa pamamagitan ng centralized database ng crime incidents, warrants of arrest, at records ng mga arestado at wanted persons.

Naisumite ang mga panukala noong Lunes kasabay ng muling pagbubukas ng sesyon ng Senado matapos ang isang buwang recess.

Advertisement

Matatandaang hindi na nagpapakita sa publiko si Senador Dela Rosa mula pa noong Nobyembre ng nakaraang taon, kasabay ng mga ulat na umano’y naglabas ng arrest warrant ang International Criminal Court kaugnay ng kontrobersyal na war on drugs noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasalukuyan ding nahaharap si Dela Rosa sa ethics complaint dahil sa matagal nitong pagliban sa Senado.

Pinagpapaliwanag din siya ng Senate ethics committee kaugnay ng mungkahing amyendahan ang mga alituntunin ng Senado, kabilang ang pagpapatupad ng “no work, no pay” policy para sa mga lumilibang na senador.

Advertisement