Tiniyak ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na alinsunod umano sa kautusan ng Korte Suprema ang paggamit ng fake o “boodle money” sa entrapment operation laban kay Franco Mabanta, founder ng isang online media network, na nagresulta sa reklamo ng robbery-extortion.
Kasunod ito ng mga batikos online hinggil sa umano’y paggamit ng P75 milyong cash sa operasyon. Paliwanag ng NBI chief, bukod sa pekeng pera ay naglaan din sila ng P50,000 na totoong salapi na may serial numbers bilang marked money.
Ayon sa NBI, isinagawa na rin ang inquest proceedings noong Miyerkules ng gabi laban kay Mabanta at apat pang indibidwal kaugnay ng kasong robbery with violence or intimidation of persons sa ilalim ng Article 294 ng Revised Penal Code, ayon kay NBI spokesperson Palmer Mallari.
Batay sa imbestigasyon ng NBI-Organized and Transnational Crime Division (OTCD), umano’y tinangkang mangikil si Mabanta at mga kasama nito ng P300 milyon kapalit ng hindi pagpapalabas ng isang video na nag-uugnay kay dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Isa sa mga kasama umano sa reklamo ay isang anchor ng naturang media network na sinasabing nakipag-ugnayan din sa hinihinging halaga kapalit ng hindi paglalabas ng content.
Mariin itong pinabulaanan ni Mabanta, at iginiit na isa lamang umano itong “setup” at handa silang patunayan ang kanilang kawalang-sala.
Ayon pa sa mga awtoridad, may ilang bahagi ng video ang naipadala umano bago isinagawa ang entrapment operation upang suportahan ang reklamo.














