Posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong weekend ang Tropical Storm “Hagupit,” na tatawaging “Caloy” kapag nakapasok na sa bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa weather advisory ngayong Biyernes ng umaga, sinabi ng PAGASA na huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 1,615 kilometro silangan ng hilagang-silangang bahagi ng Mindanao.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 90 kph habang kumikilos pakanluran sa bilis na 20 kph.

Ayon sa weather bureau, magpapatuloy ang paggalaw ng bagyo pakanluran sa mga susunod na oras bago lumihis pa-kanlurang hilagang-kanluran.

Advertisement

Inaasahang papasok ito sa PAR sa Sabado ng gabi hanggang Linggo ng umaga.

Posible ring lumakas ang “Hagupit” at maging high-end tropical storm sa loob ng susunod na 48 oras bago muling humina at maging tropical depression pagsapit ng Martes habang nasa Philippine Sea.

Gayunman, sinabi ng PAGASA na maliit ang posibilidad na direktang makaapekto ang bagyo sa lagay ng panahon at karagatan ng bansa sa loob ng susunod na tatlong araw.

Samantala, binabantayan din ang isang low pressure area (LPA) na nasa 120 kilometro timog-silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.

Bagama’t mababa ang tsansang maging bagyo, inaasahan itong magdulot ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan, at thunderstorms sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao kabilang ang Central Visayas, Eastern Visayas, Negros Island Region, Caraga, Northern Mindanao, Davao Region, at Zamboanga Peninsula.

Sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na panahon na may posibilidad ng isolated rain showers at thunderstorms dulot ng easterlies.

Advertisement