Itinuring ng National Bureau of Investigation (NBI) na “person of interest” ang Peanut Gallery Media Network (PGMN) anchor na si CJ Hirro kaugnay ng umano’y extortion attempt laban kay dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, kabilang si Hirro sa lumabas sa video clip na ginamit sa imbestigasyon, kaya siya ay ipapatawag ng ahensya para sa proseso ng paglilinaw.
Sinabi ni Matibag na batay sa orihinal na reklamo, maaaring naisama na rin si Hirro sa operasyon, ngunit pinili ng NBI na mag-ingat at dumaan sa tamang proseso bago magsagawa ng hakbang laban sa kanya.
Sa kasalukuyan, hindi pa rin makuha ng media ang panig ni Hirro dahil deactivated na umano ang kanyang social media accounts.
Matatandaang nauna nang inaresto si PGMN founder Franco Mabanta sa entrapment operation matapos umanong manghingi ng P350 milyon kapalit ng hindi paglalabas ng mga video na magdidiin kay Romualdez sa isyu ng flood control scandal.
Itinanggi ni Mabanta ang mga paratang at iginiit na isa itong “setup,” habang patuloy na iniimbestigahan ng NBI ang kaso sa ilalim ng robbery with extortion.
Ayon pa sa NBI, nakapagsumite na sila ng application para sa cyber warrant upang masuri ang mga gadget na nasamsam sa mga suspek, at patuloy ang pangangalap ng ebidensya tulad ng mga tawag, text messages, at galaw ng mga sangkot bago ang operasyon.
Samantala, mariin namang pinabulaanan ng kampo ni Romualdez ang alegasyon na sinusupil umano ang media, at iginiit na ang reklamo ay isinampa lamang sa tamang awtoridad at dumaan sa legal na proseso ng NBI.














