Muling kinilala si Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona Jr. bilang pinakamataas ang sahod sa mga non-elected government officials noong nakaraang taon, batay sa 2025 Report on Salaries and Allowances (ROSA) ng Commission on Audit (COA).

Ayon sa COA report, umabot sa ₱52.76 milyon ang kabuuang natanggap na sahod at allowances ni Remolona, mas mataas ng ₱4.78 milyon kumpara sa kanyang kinita noong 2024.

Malaki rin ang bahagi ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa listahan ng 20 highest-paid government officials, kung saan 15 opisyal ng ahensya ang kabilang sa top earners.

Kabilang sa mga ito sina BSP Corporate Services Sector official Elmore Capule, Senior Assistant Governors Johnny Noe Ravalo at Edna Villa, at ilang miyembro ng Monetary Board tulad nina Benjamin Diokno, Romeo Bernardo, Rosalia De Leon, Jose Querubin, at Walter Wassmer.

Advertisement

Pumasok din sa listahan ang iba pang opisyal ng gobyerno tulad ng mga nasa Judiciary, Government Service Insurance System, Philippine Amusement and Gaming Corporation, at Development Bank of the Philippines.

Samantala, napansin sa ulat ang paggalaw ng ranggo ng ilang opisyal, kabilang ang pag-angat ng ilan habang bumaba naman ang iba kumpara sa 2024 ROSA.

Ayon pa sa COA, patuloy na nangingibabaw sa listahan ang mga opisyal mula sa BSP dahil sa kanilang salary structure at allowances na naaayon sa kanilang mga tungkulin sa pananalapi at monetary policy management ng bansa.

Advertisement