Isinusulong ng grupong “Dapat Isa Lang coalition,” sa pangunguna ni dating Commission on Elections Commissioner Luie Guia, ang signature campaign para sa pagpasa ng Anti-Political Dynasty law na maglilimita sa iisang miyembro ng pamilya na maaaring humawak ng national post.
Ayon kay Guia, layunin ng panukala na wakasan ang umiiral na “politics of surnames” sa bansa at ibalik ang pokus ng halalan sa kakayahan ng mga kandidato.
Giit niya, sa pamamagitan ng people’s initiative, mismong taumbayan ang magpapasya at magpapatupad ng pagbabago sa sistema ng pulitika.
Isinusulong ng grupo na limitahan din ang pagtakbo ng magkakapamilyang kandidato sa local positions hanggang ikaapat na degree of consanguinity o affinity.
Sinabi ni Guia na maraming Pilipino ang may kakayahang mamuno ngunit hindi nabibigyan ng pagkakataon dahil sa dominanteng mga political dynasty.
Kasama rin sa coalition si dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na sumusuporta sa layuning “putulin ang siklo” ng political dynasties sa bansa.
Sa ilalim ng proseso ng people’s initiative, kinakailangan ang pirma ng hindi bababa sa 10% ng mga rehistradong botante, at 3% ng bawat legislative district upang maisulong ang panukala.
Kapag napatunayan ng Commission on Elections ang bisa ng mga pirma, isasailalim ito sa referendum kung saan boboto ang publiko kung nais nilang maging batas ang Anti-Political Dynasty law kahit walang pirma ng Kongreso o Pangulo.














