Nakapagpiyansa na si online media personality Franco Mabanta at apat pang indibidwal sa kasong robbery with violence against or intimidation of persons kaugnay ng umano’y tangkang pangingikil kay dating House Speaker at Leyte 1st District Representative Martin Romualdez.
Ayon sa Pasig Regional Trial Court Branch 167, pinayagan nang makalaya sina Mabanta at ang apat niyang kasama matapos makapaglagak ng tig-P120,000 na piyansa nitong Sabado.
Naglabas din agad ng release order ang korte alinsunod sa umiiral na Saturday duty schedule ng Pasig RTC batay sa memorandum na inilabas noong 2025.
Nauna nang sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na sumailalim sa inquest proceedings sina Mabanta at apat pang personalidad noong Miyerkules ng gabi kaugnay ng reklamong robbery at extortion na isinampa ni Romualdez.
Ayon sa NBI, isinagawa ang imbestigasyon sa ilalim ng Article 294 ng Revised Penal Code o robbery with violence against or intimidation of persons.
Inaresto ang lima sa isinagawang entrapment operation nitong linggo matapos umanong tangkain na mangikil ng P300 milyon kapalit ng hindi pagpapakalat ng umano’y video na nag-uugnay kay Romualdez sa maanomalyang flood control projects.
Samantala, mariing itinanggi ni Mabanta ang mga alegasyon at iginiit na isa umanong “setup” ang operasyon laban sa kanila.
Ayon kay Mabanta, handa silang patunayan ang kanilang pagiging inosente sa tamang proseso ng batas.














