Direktang nanawagan si Tedros Adhanom Ghebreyesus, hepe ng World Health Organization, sa mga residente ng Tenerife na manatiling kalmado kaugnay ng pagdating ng cruise ship na MV Hondius na may kaso ng hantavirus.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Tedros na hindi dapat ikumpara ang sitwasyon sa COVID-19 pandemic dahil nananatiling mababa ang panganib ng hantavirus sa publiko.
Aminado siyang seryoso ang Andes strain ng hantavirus matapos masawi ang tatlong pasahero, ngunit tiniyak niyang wala nang nagpapakita ng sintomas sa kasalukuyan sa mga sakay ng barko.
Ipinaliwanag ng WHO chief na mahigpit ang ipinatutupad na plano ng Spain sa paglikas ng mga pasahero, kung saan dadalhin sila sa industrial port ng Granadilla at direktang iuuwi sa kani-kanilang bansa nang hindi makakahalubilo ang publiko.
Pinasalamatan din niya ang Spain at ang mga residente ng Tenerife sa pagtanggap sa barko bilang bahagi ng international cooperation sa gitna ng health concern.
Ayon pa kay Tedros, personal siyang nagtungo sa Tenerife upang bantayan ang operasyon at magbigay-pugay sa ipinakitang malasakit at pakikiisa ng mga residente at awtoridad sa lugar.














