Kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na naglabas na ng Red Notice ang International Criminal Police Organization laban kina dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag at dating pulis Rafael Dumlao III kaugnay ng mabibigat na kasong kinakaharap ng mga ito.
Ayon kay Remulla, bahagi ito ng patuloy na paghahanap ng mga awtoridad sa mga akusado sa iba’t ibang kasong kriminal. Kasama rin sa listahan ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, habang ang hiwalay na kahilingan para sa Red Notice laban kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co ay naipasa na ngunit kasalukuyang nasa proseso pa ng pag-apruba ng Interpol.
Nilinaw ng kalihim na kumpleto na ang dokumentasyon para kay Co, subalit sumasailalim pa ito sa review ng international police body bago tuluyang maaprubahan.
Ipinaliwanag din na ang Red Notice ay hindi katumbas ng warrant of arrest, kundi isang pormal na kahilingan sa mga law enforcement sa buong mundo upang hanapin at pansamantalang dakpin ang isang indibidwal habang hinihintay ang extradition o kaukulang legal na proseso.
Si Bantag ay nahaharap sa kaso kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa pagpatay sa middleman sa likod ng pagpaslang sa broadcaster na si Percy Lapid. Samantala, si Dumlao ay dating nahatulan sa kaso ng 2016 kidnapping at pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick Joo, bagama’t kapwa nila itinatanggi ang mga paratang.
Nagpahayag si Remulla ng pagkadismaya sa umano’y mabagal na paghahanap sa mga wanted persons at hinimok ang mga awtoridad na paigtingin pa ang operasyon upang agad na madakip ang mga ito.














