Nakapagtala ang Armed Forces of the Philippines ng kabuuang 35 barko ng China sa iba’t ibang bahagi ng West Philippine Sea mula Mayo 4 hanggang Mayo 11, ayon sa ulat ng militar nitong Martes.
Ayon kay AFP spokesperson for the West Philippine Sea na si Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, kabilang sa namataang mga sasakyang pandagat ang mga barko ng People’s Liberation Army Navy at China Coast Guard.
Sa Ayungin Shoal, pitong barko ang na-monitor, kabilang ang isang PLAN vessel at anim na China Coast Guard vessels. Sa Bajo de Masinloc naman ay 17 barko ang namataan, habang lima ang nakita sa Escoda Shoal at anim sa paligid ng Pag-asa Islands.
Bagama’t mas mababa ito kumpara sa 62 Chinese vessels na naitala noong Abril, nananatiling mataas ang tensyon sa karagatan dahil sa patuloy na pag-aangkin ng China sa halos buong South China Sea.
Matatandaang sakop ng West Philippine Sea ang mga karagatang nasa kanlurang bahagi ng kapuluan ng Pilipinas, kabilang ang Kalayaan Island Group at Bajo de Masinloc.
Noong 2016, nagpasya ang Permanent Court of Arbitration pabor sa Pilipinas at nagsabing walang legal na batayan ang malawak na pag-aangkin ng China sa South China Sea. Gayunman, patuloy na hindi kinikilala ng China ang naturang desisyon.














