Tiniyak ng Malacañang ngayong Martes na bibigyan si Senador Ronald “Bato” dela Rosa ng proteksyong naaayon sa batas matapos kumpirmahin ng International Criminal Court (ICC) na naglabas ito ng arrest warrant laban sa senador.
Sa press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na tulad ng mga umano’y biktima ng extrajudicial killings (EJK), may karapatan din si Dela Rosa sa proteksyong legal bilang isang akusado.
Ang arrest warrant laban kay Dela Rosa ay may kaugnayan sa mga pagpatay na iniugnay sa kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan nagsilbi siyang unang hepe ng Philippine National Police (PNP).
Kasunod nito, humiling si Dela Rosa kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng proteksyon bilang isa umano sa kanyang mga nasasakupan.
Gayunman, nilinaw ni Castro na limitado lamang ang “privilege from arrest” ng mga senador habang nasa sesyon ang Kongreso at nasa loob ng paligid ng Senado.
Aniya, hindi ito maaaring gamitin kung ang kinakaharap na kaso ay may kaparusahang higit sa anim na taong pagkakakulong.
Batay sa Section 11, Article VI ng Konstitusyon, hindi maaaring arestuhin ang mga miyembro ng Senado at Kamara habang nasa sesyon ang Kongreso kung ang kasong kinakaharap ay may parusang hindi hihigit sa anim na taon.
Samantala, sinabi rin ni Castro na sa huli nilang pag-uusap ni Pangulong Marcos, wala pa umanong plano ang administrasyon na muling sumapi ang Pilipinas sa ICC.
Gayunpaman, sinabi niyang bukas pa rin ang Pangulo na pag-aralan ito sa hinaharap kung kinakailangan.
Nagbigay rin ng reaksyon si Castro sa pahayag ni Dela Rosa na maaaring maranasan din umano ni Marcos ang parehong sitwasyon sa hinaharap.
Ayon kay Castro, imposibleng mangyari ito dahil wala naman umanong kinalaman ang Pangulo sa extrajudicial killings.
Noong Lunes, muling nagpakita si Dela Rosa sa Senado matapos ang ilang buwang hindi pagharap sa publiko, kasabay ng mga usapin ukol sa pagbabago ng liderato sa Senado at nalalapit na impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.














