Nakikipag-negosasyon ang Estados Unidos sa Denmark kaugnay ng planong pagpapalawak ng presensya militar nito sa Greenland, kabilang ang posibilidad na magtayo ng tatlong bagong military bases sa katimugang bahagi ng isla.

Ayon sa mga ulat, layunin ng Estados Unidos na palakasin ang depensa at pagmamanman sa North Atlantic region, partikular laban sa posibleng aktibidad ng Russia at China. Isa sa mga nakikitang lokasyon para sa bagong pasilidad ay sa Narsarsuaq, isang dating U.S. military site na may maliit na paliparan.

Tinututukan din ng plano ang maritime surveillance sa GIUK Gap o Greenland–Iceland–United Kingdom corridor, na itinuturing na mahalagang ruta para sa mga barko at aktibidad militar sa rehiyon.

Kinumpirma ng Denmark na mayroong ongoing negotiations sa U.S. ngunit tumanggi itong magbigay ng karagdagang detalye. Wala pang pinal na kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa, at nilinaw na hindi kasama sa usapan ang anumang plano ng Amerika na kontrolin o sakupin ang Greenland.

Advertisement

Matatandaang nagkaroon ng tensyon ang dalawang bansa matapos lumutang ang dating pahayag ni U.S. President Donald Trump tungkol sa posibleng pagkuha sa Greenland, na mariing tinutulan ng Denmark at ng lokal na pamahalaan ng isla.

Sa kasalukuyan, iisa na lamang ang aktibong base ng Estados Unidos sa Greenland—ang Pituffik Space Base—kumpara noong Cold War na umabot sa 17 military facilities.

Advertisement