Tinanggihan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang panawagan ng ilang senador na kusang sumuko kaugnay ng inilabas na arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban sa kanya.

Sa ulat, iginiit ni dela Rosa na ang panawagan ng ilang miyembro ng Senado ay hindi umano kumakatawan sa nakararami at sinabi niyang mas marami umanong Pilipino ang tutol sa ideya ng kanyang pagsuko sa ICC.

Giit niya, ang mga nagsasabi sa kanya na huwag magpapahuli sa mga dayuhan ay tumutukoy sa usapin ng soberanya ng bansa. Para sa senador, ang isyu ay may halong politika at hindi dapat gawing personal o emosyonal na usapin.

Nauna rito, naghain ang limang senador ng resolusyon na humihimok kay dela Rosa na kusang sumuko kasunod ng ICC warrant. Kabilang sa mga lumagda dito sina Senators Francis Pangilinan, Vicente Sotto III, Panfilo Lacson, Risa Hontiveros, at Bam Aquino.

Advertisement

Binanggit sa resolusyon ang ilang naunang kaso ng mga dating opisyal na sumailalim sa legal na proseso, kabilang ang voluntary surrender at iba pang judicial remedies sa mga nakaraang kaso sa Senado.

Advertisement