Binigyang-diin ng International Criminal Court (ICC) na nakadepende sa kooperasyon ng gobyerno ng Pilipinas ang pagpapatupad ng mga arrest warrant at pagsuko ng mga suspek sa tribunal, kabilang ang kaso ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Ayon kay ICC spokesperson Oriane Maillet, ang ICC ay isang institusyong panghukuman na umaasa sa pakikipagtulungan ng mga estado upang maipatupad ang mga arrest warrant at maisagawa ang pag-aresto sa mga akusado.

Ang pahayag ay kasunod ng kumpirmasyon na may inilabas nang warrant of arrest laban kay dela Rosa, na itinuturing umanong co-perpetrator ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng war on drugs.

Nilinaw ng ICC na ang mga pambansang awtoridad ang may pangunahing responsibilidad sa pag-aresto at pagsuko ng mga suspek. Dagdag pa ng opisyal, kung may mga isyu sa kooperasyon, maaaring dumulog ang mga estado sa korte alinsunod sa Rome Statute.

Advertisement

Idinagdag din ng ICC na kahit umatras ang Pilipinas mula sa Rome Statute noong 2019, nananatili pa rin ang ilang obligasyon nito kaugnay ng mga imbestigasyon at paglilitis na saklaw ng naunang panahon ng membership, batay sa probisyon ng kasunduan.

Advertisement