Nilinaw ng Bureau of Immigration (BI) na wala pa silang naitatalang bagong rekord na nagpapatunay na nakalabas na ng bansa si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, kasunod ng ulat na umano’y umalis ito mula sa Senado madaling-araw ng Huwebes, Mayo 14.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval na hanggang sa kasalukuyan ay walang bagong “travel records” na namo-monitor ang kanilang tanggapan kaugnay sa pag-alis ng senador palabas ng bansa.
Lumabas ang pahayag matapos maiulat na umalis si Dela Rosa sa Senado pasado alas-dos ng madaling araw.
Gayunman, nilinaw ni Sandoval na hindi saklaw ng Bureau of Immigration ang monitoring sa mga domestic flights, kaya’t wala silang impormasyon kung bumiyahe ang senador patungo sa ibang lugar o lalawigan sa loob ng bansa.
Samantala, nahaharap si Dela Rosa sa kasong “Crimes Against Humanity” sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kontrobersyal na “war on drugs” ng nakaraang administrasyon.
May inilabas na ring arrest warrant laban sa senador ang international tribunal, ngunit hindi pa ito naipatutupad dahil sa nakabinbing petisyon sa Korte Suprema.














