Nilinaw ni Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na ang ibinigay na protective custody kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa ay isang pribilehiyo lamang at maaari niya itong tanggihan anumang oras.

Sa isang panayam, sinabi ni Aplasca na walang kapangyarihan ang Senate security na pigilan ang isang senador kung nais nitong umalis sa Senado, gaya ng nangyari noong Huwebes ng madaling araw.

Ipinaliwanag niya na hindi nangangahulugang nasa ilalim ng aktuwal na pag-aresto si Dela Rosa habang nasa protective custody ng Senado.

Ayon kay Aplasca, sumusunod lamang ang Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) sa direktiba ni Senate President Alan Peter Cayetano na makikipagtulungan lamang sila sa mga aarestong awtoridad kung may dalang judicial order mula sa hukuman sa Pilipinas.

Advertisement

Batay umano sa CCTV footage at ulat ng Senate security, umalis si Dela Rosa sa Senado kasama si Senador Robinhood Padilla at direktang nagtungo sa sasakyan ng huli bago tahimik na lumabas ng compound.

Gayunman, sinabi ni Aplasca na patuloy ang isinasagawang imbestigasyon kung bakit hindi na sila nakausap o napigilan ng security personnel ang pag-alis ng dalawang senador.

Advertisement