Binigyang-diin ni Senador Risa Hontiveros na hindi dapat ginagamit ang Senado upang protektahan ang mga miyembro nito na may kinakaharap na warrant of arrest, lalo na kung may kaugnayan sa mga heinous crimes.

Ito ang naging tugon ng senador matapos matanong tungkol sa pagbibigay ng protective custody ng Mataas na Kapulungan kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Ayon kay Hontiveros, walang umiiral na batas na nagbibigay ng kapangyarihan sa Senado upang protektahan ang isang senador mula sa pananagutan sa batas o pigilan ang pagsunod sa mga legal na proseso.

Si Hontiveros ay kabilang sa mga senador na nananawagan kay Dela Rosa na boluntaryong sumuko sa mga awtoridad kasunod ng paglabas ng arrest warrant laban sa kanya mula sa International Criminal Court (ICC).

Advertisement

Isinulong din ng senador at iba pang kapwa mambabatas ang Senate Resolution No. 395 na inihain noong Mayo 12, 2026, na nananawagan ng pagsunod sa umiiral na legal na proseso.

Giit ng mga lumagda sa resolusyon, walang constitutional authority ang Senado na magsilbing “sanctuary” o magbigay ng proteksiyon laban sa legal na pag-aresto, lalo na sa mga kasong may bigat.

Nauna nang tinanggihan ni Dela Rosa ang panawagang ito.

Sa ngayon, kumpirmado na ring nakalabas na ng Senado ang dating PNP chief matapos ang ilang araw na pananatili sa Mataas na Kapulungan kasunod ng isyu ng kanyang ICC warrant.

Advertisement