
Inatasan ng Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na magsumite ng komprehensibong ulat kaugnay ng sunod-sunod na power supply disruptions sa Luzon at Visayas nitong mga nakaraang araw.
Kasunod ito ng pagdeklara ng NGCP ng yellow at red alert status mula Mayo 12 hanggang 14 na nagdulot ng pansamantalang pagkawala ng kuryente sa ilang lugar at nakaapekto sa milyun-milyong konsyumer.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, kailangang mabigyan ng malinaw at transparent na paliwanag ang publiko hinggil sa mga pangyayaring nagdulot ng kakulangan sa suplay ng kuryente.
“The public deserves a full and transparent accounting of the incidents that led to these grid alerts,” ani Garin.
Sa hiwalay na pahayag, tiniyak ng NGCP na susunod ito sa kautusan at magsusumite ng kinakailangang ulat habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa mga naging aberya sa grid system.
Ayon sa NGCP, nakatuon ang kanilang operasyon sa pagpapanatili ng katatagan ng Luzon at Visayas grids habang hinihintay ang pagbalik sa normal na suplay ng kuryente.
Kabilang sa hinihinging datos ng DOE ang eksaktong oras at saklaw ng alert declarations, ugat ng problema sa grid, listahan ng mga power plants at transmission facilities na nagkaroon ng forced outages o derating, antas ng reserve at demand noong insidente, at mga hakbang na ginawa upang maibalik ang normal na operasyon.
Binanggit din ng DOE na obligado ang NGCP na magsumite ng initial report sa loob ng 60 minuto mula sa anumang system disruption alinsunod sa umiiral na regulasyon ng ERC.













