Kinondena ng India ang pag-atake sa isang Indian-flagged cargo ship na lumubog sa karagatan ng Oman matapos ang hinihinalang missile strike, at tinawag itong “unacceptable” dahil sa patuloy na pag-atake sa mga komersyal na barko at sibilyan.

Sa pahayag ng Ministry of External Affairs ng India, mariing binatikos ng New Delhi ang insidente at iginiit na hindi katanggap-tanggap ang patuloy na pagta-target sa commercial shipping at civilian mariners.

“The attack on an Indian-flagged ship off the coast of Oman yesterday is unacceptable, and we deplore the fact that commercial shipping and civilian mariners continue to be targeted,” ayon sa foreign ministry ng India.

Kinumpirma rin ng India na ligtas ang lahat ng Indian crew members matapos silang mailigtas ng mga awtoridad ng Oman.

Advertisement

Ayon sa maritime security firm, ang barkong sangkot ay kinilalang MSV Haji Ali, isang cargo vessel na may 14 tripulante at may kargang livestock mula Berbera sa Somaliland patungong Sharjah, United Arab Emirates.

Iniulat na nagkaroon ng malakas na pagsabog sa barko malapit sa baybayin ng Limah sa Oman, sa Strait of Hormuz, na pinaniniwalaang dulot ng missile strike.

Matapos ang pagsabog, nagkaroon ng sunog sa barko kaya’t napilitang abandonahin ito ng mga tripulante bago tuluyang lumubog.

Hindi pa tinutukoy ng India kung sino ang maaaring nasa likod ng pag-atake.

Nanawagan ang New Delhi na igalang ang kaligtasan ng mga commercial vessel at panatilihin ang freedom of navigation at maayos na daloy ng pandaigdigang kalakalan.

Advertisement