Itinuturing ng National Bureau of Investigation (NBI) na “person of interest” si Senador Robinhood Padilla kaugnay sa pagkalap ng impormasyon sa kinaroroonan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos itong umanong umalis sa Senado kasunod ng tensyon noong Miyerkules ng gabi.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, si Padilla ang itinuturing na mahalagang makapanayam dahil siya umano ang huling nakasama ni Dela Rosa bago ito nawala sa Senado.

Sinabi ni Matibag na “automatic” na kasama sa imbestigasyon ang mga taong huling nakakita o nakasama sa isang indibidwal na hinahanap ng mga awtoridad.

Dagdag pa niya, si Padilla ang pangunahing “person of interest” upang magbigay-linaw sa posibleng kinaroroonan ng senador.

Advertisement

Nilinaw rin ng NBI na sumusunod sila sa koordinasyon at direktiba ng Department of Justice (DOJ) kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Matibag na ang tanong tungkol sa kinaroroonan ni Dela Rosa ay maaari ring idulog kina Padilla, Senate President Alan Peter Cayetano, at Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca.

Ayon pa sa opisyal, may mga ulat at sentimyento umano mula sa ilang operatiba na posibleng ginamit ang naganap na kaguluhan sa Senado bilang diversion upang makaalis si Dela Rosa.

Giit din niya na ito ay pinatotohanan umano ng asawa ng senador, na nagsabing sinamantala ni Dela Rosa ang insidente ng kaguluhan at putukan upang makalabas ng Senado.

Patuloy ang imbestigasyon ng NBI sa kabila ng hindi pa kumpirmadong kinaroroonan ng senador.

Advertisement