Tinitingnan ng Japan ang posibilidad ng pag-export ng surface-to-ship missiles sa Pilipinas, ayon sa ulat ng Japanese public broadcaster NHK, kasabay ng mas agresibong hakbang ng Tokyo sa usaping seguridad sa rehiyon.
Ayon sa ulat, bahagi ito ng mas malawak na overhaul ng Japan sa kanilang defense export rules kung saan inalis ang ilang dekadang restriksyon sa pagbebenta ng armas sa ibang bansa, kabilang ang warships, missiles, at iba pang military equipment.
Matatandaang ipinahayag ng Beijing ang pagkadismaya sa mas aktibong papel ng Japan sa usaping depensa, kasunod ng mga pahayag hinggil sa posibleng reaksyon ng Tokyo sakaling magkaroon ng krisis sa Taiwan.
Nauna na ring sinabi ng Japan na pinag-aaralan nito ang posibleng maagang supply ng Abukuma-class destroyers at TC-90 aircraft sa Pilipinas.
Ayon sa Japanese defense ministry, hindi pa sila nagbibigay ng opisyal na pahayag sa ulat hinggil sa missile exports, habang sinabi naman ng Department of National Defense ng Pilipinas na napagkasunduan ng dalawang bansa na talakayin ang posibleng bentahan ng defense assets.
Sa isang kamakailang joint maritime exercise kasama ang United States, Australia, at Pilipinas, nagpakawala rin ang Japan ng Type 88 anti-ship missile bilang bahagi ng military drills.
Ang Pilipinas at Japan ay parehong bahagi ng tinatawag na First Island Chain, isang hanay ng mga isla na itinuturing na estratehikong hadlang sa pag-abot ng China sa mas malawak na bahagi ng Western Pacific.
Samantala, ilang bansa tulad ng Indonesia at Poland ay iniulat ding interesadong makipag-ugnayan sa Japan para sa procurement ng mga modernong kagamitang militar habang patuloy ang kanilang military modernization programs.














