Kinumpirma ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) na walang nakuhang CCTV footage mula sa mismong posisyon ng kanilang mga tauhan at Philippine Marines kaugnay ng naganap na shooting incident sa Senado noong gabi ng Mayo 13, ayon kay OSAA Chief Retired Major General Mao Aplasca.

Walang narekober na CCTV footage mula sa eksaktong lokasyon ng mga tauhan ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) at Philippine Marines kaugnay ng shooting incident sa Senado noong gabi ng Miyerkules, Mayo 13.

Ito ang inihayag ni OSAA Chief Retired Major General Mao Aplasca bilang tugon sa usapin hinggil sa mga ebidensyang maaaring gamitin sa isinasagawang imbestigasyon.

Ayon kay Aplasca, tanging ang posisyon ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) at ang “dulo ng tactical personnel” ng Senado ang nakita sa kanilang pagsusuri ng mga CCTV footage.

Advertisement

Pinabulaanan din ni Aplasca ang kumakalat na ulat hinggil sa isang video na umano’y naglalaman ng utos ni Senador Jinggoy Estrada na itago ang CCTV footage ng insidente.

Aniya, wala siyang narinig na ganoong pahayag at hindi niya alam ang tinutukoy ng senador sa nasabing alegasyon.

Samantala, inamin ni Aplasca na siya ang unang nagpaputok ng warning shot bilang bahagi ng kanilang “rules of engagement.” Ipinaliwanag niyang ginagawa ito kapag nalalagay sa panganib ang buhay ng kanilang mga tauhan upang mapaatras ang kabilang panig.

Kwento ni Aplasca, nakita nilang armado ng mahahabang baril ang mga indibidwal kaya agad silang nagsagawa ng verbal challenge. Inutusan umano nilang magpakilala at ibaba ang kanilang mga armas, ngunit dahil sa agresibong kilos at umano’y bantang dulot ng kabilang panig, napilitan siyang magpaputok na nauwi sa palitan ng putok.

Nilinaw naman niya na wala silang intensyong tamaan ang mga ito matapos magpakilala ang kabilang grupo bilang mga ahente ng NBI.

Kinumpirma rin ng mga opisyal na walang naitalang nasawi o nasugatan sa insidente. Ligtas din umano ang lahat ng media personnel, empleyado ng Senado, at mga senador na nasa loob ng gusali nang maganap ang putukan.

Advertisement