Kinumpirma ng Malacañang ngayong Huwebes na si Senate Sergeant-at-Arms at retiradong Police Major General Mao Aplasca ang unang nagpaputok ng warning shot sa insidente sa Senado noong Miyerkules ng gabi.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, agad umanong nagpaputok ng warning shot si Mao Aplasca matapos magpakilala ang mga umano’y tauhan ng NBI sa loob ng Senado.

“Nagpakilala na NBI agents at nung nagsabi sila ng kanilang pagkakakilanlan, agad nagpaputok ng warning shot si Sergeant-at-Arms Mao Aplasca,” pahayag ni Castro sa press briefing.

Dagdag pa niya, dahil sa naturang warning shot ay napilitan ding magpaputok ng warning shot ang isang NBI agent.

Advertisement

Binigyang-diin din ng Malacañang na walang isinagawang assault operation ang mga ahente ng NBI sa loob ng Senado sa kabila ng tensyon at lockdown na naganap noong Miyerkules ng gabi.

Nauna nang nagdulot ng alarma ang mga putok ng baril sa loob ng Senado habang nasa ilalim ng lockdown ang gusali kasabay ng usapin sa posibleng pag-aresto kay Senador Bato Dela Rosa kaugnay ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).

Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang buong pangyayari upang matukoy ang eksaktong daloy ng insidente at ang mga responsableng personalidad.

Advertisement