Iminungkahi ni dating Senador Antonio Trillanes IV na pangunahan ng National Bureau of Investigation (NBI) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang imbestigasyon sa naganap na barilan sa Senado noong Mayo 13.

Ayon kay Trillanes, may sapat na kakayahan at resources ang NBI at CIDG upang magsagawa ng mas malalim at komprehensibong imbestigasyon sa aktwal na nangyari sa insidente.

Bagama’t kabilang umano ang ilang NBI agents sa mga naiulat na nagpaputok ng baril, sinabi ni Trillanes na maaasahan pa rin ang ahensya na magsagawa ng impartial investigation, katuwang ang CIDG.

Aniya, maaaring saklawin ng imbestigasyon ang forensic report at ang pag-trace sa mga pangyayari bago, habang, at pagkatapos ng insidente.

Advertisement

Iginiit din niya na walang sapat na kapasidad ang Office of the Sergeant-at-Arms ng Senado kung ito ang aatasang mag-imbestiga.

Naniniwala rin ang dating senador na dapat may managot sa umano’y paglabas ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa mula sa Senate premises sa kabila ng pagiging nasa Senate custody.

Kabilang sa mga posibleng panagutin, ayon sa kaniya, sina Senate President Alan Peter Cayetano, Office of the Sergeant-at-Arms, at iba pang opisyal na may kaalaman sa paglabas ng senador.

Advertisement