Hinimok ni Parañaque 2nd District Representative Brian S. Yamsuan ang Kongreso na madaliin ang pagpasa sa panukalang Cybersecurity Act upang maprotektahan ang mga kritikal na impormasyon sa bansa at mapalakas ang depensa laban sa lumalalang banta sa internet.
Ginawa ni Yamsuan ang panawagan kasunod ng babala ng International Monetary Fund (IMF) hinggil sa tumataas na panganib ng cyber attacks sa pandaigdigang sistema ng pananalapi gamit ang artificial intelligence (AI).
Binanggit din ng mambabatas ang kamakailang data breach sa Canvas, isang Learning Management System na ginagamit ng ilang unibersidad sa Pilipinas, na naglantad ng mga pribadong rekord ng mga estudyante.
Ayon sa kongresista, ang mga cyber attack ay hindi lamang simpleng pagnanakaw ng datos para sa phishing, kundi isa nang seryosong banta sa pambansang seguridad at kaligtasan ng publiko.
Iniulat din ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na patuloy nilang hinaharap ang mga cyber attack na may kaugnayan sa tensyon sa West Philippine Sea.
Ang House Bill 7359 ni Yamsuan ay kabilang sa 26 na panukalang pinagsama-sama ng House Committee on Information and Communications Technology sa ilalim ng pamumuno ni Camarines Sur 5th District Rep. Migz Luis R. Villafuerte.
Inaprubahan ng komite ang bersyon ng panukala noong Mayo 6 at kasalukuyan itong nakasalang sa House Committee on Appropriations para sa pagpopondo.
Sa ilalim ng panukala, itatatag ang National Cyber Security Agency (NCSA) at isang unified national network upang magkaroon ng iisang pamantayan at mas mabilis na depensa ang lahat ng ahensya ng gobyerno laban sa mga cyber threats.
Ang Cybersecurity Act ay kabilang sa mga pangunahing prayoridad na panukala ng administrasyong Marcos.














