Iginiit ng Office of the Solicitor General (OSG) na hindi saklaw ng extradition rules ang kaso ni Senador Ronald “Bato” M. dela Rosa kaugnay ng International Criminal Court (ICC), dahil magkaiba umano ang extradition at surrender process.

Ayon sa OSG, ginagamit lamang umano ni dela Rosa ang extradition rules upang madagdagan ang mga legal na isyung kaugnay sa pagpapatupad ng warrant of arrest laban sa kanya.

Sinabi rin ng OSG na hindi karapat-dapat ang senador sa injunctive writ dahil hindi umano nalagay sa panganib ang kanyang kalayaan sa mga pagtatangkang ipatupad ang warrant.

Binanggit pa ng OSG na nakapasok si dela Rosa sa Senado noong nakaraang linggo, nakaboto para kay Sen. Alan Peter S. Cayetano bilang bagong Senate President, nabigyan ng proteksyon, at nakalabas nang walang hadlang.

Advertisement

Dahil dito, iginiit ng OSG na malinaw na hindi umano siya nasa ilalim ng aktuwal na restriksyon at nananatiling malaya.

Bahagi ang pahayag ng OSG sa kanilang tugon bilang kinatawan ng pamahalaan matapos atasan ng Korte Suprema na magkomento sa petisyon ni dela Rosa na humihiling na pigilan ang pagpapatupad ng warrant laban sa kanya.

Binigyan naman ng Korte Suprema ang senador at ang kanyang mga abogado ng 72 oras mula sa pagtanggap ng komento ng gobyerno upang magsumite ng kanilang sagot.

Advertisement