Hiniling ng legal team ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte sa International Criminal Court (ICC) na ipagpaliban ang pagsisimula ng trial proceedings ng hanggang 19 na buwan matapos ang confirmation of charges noong Abril 23, 2026.

Sa isinumiteng filing sa ICC Trial Chamber III, sinabi ng bagong lead counsel ni Duterte na si Peter R. Haynes na kailangan nila ng karagdagang panahon upang makapaghanda sa kaso.

Binigyang-diin ng depensa na ang mas mahabang preparasyon ay naaayon umano sa mga naunang ICC cases na nagsimula ang paglilitis 14 hanggang 19 buwan matapos ang confirmation of charges. Kung pagbibigyan, maaaring mailipat ang pagsisimula ng trial sa pagitan ng Hunyo at Nobyembre 2027.

Taliwas ito sa posisyon ng prosekusyon na nais simulan ang paglilitis sa Nobyembre 30, 2026, o wala pang walong buwan matapos ang confirmation of charges.

Advertisement

Ayon sa depensa, “inappropriate” na magtakda ng trial date sa kasalukuyan dahil may mga isyu pa umanong hindi nareresolba na maaaring makaapekto sa magiging takbo ng paglilitis.

Iginiit din ni Haynes na dapat munang matukoy ng Trial Chamber kung “fit” si Duterte na humarap sa paglilitis. Bagama’t kinikilala ng depensa ang naunang medical assessment noong pre-trial phase, sinabi nilang patuloy umano ang paglala ng kalagayan ng dating pangulo at kailangan pa itong masusing suriin bago magsimula ang anumang paglilitis.

Advertisement