Direktang itinanggi ng Malacañang ngayong Lunes, Mayo 18, 2026, ang pahayag ni Senate President Alan Peter S. Cayetano na “under attack” o inatake ang Senado kasunod ng mga naganap na insidente sa Mataas na Kapulungan.

Sa press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na “never under attack” o kailanman ay hindi inatake ang lehislatura, taliwas sa naging pahayag ni Cayetano.

Ayon kay Castro, makikita umano sa mga ulat ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), at maging sa mga balita na walang naganap na pag-atake laban sa institusyon.

Iginiit din ng Palasyo na personal na opinyon lamang ni Cayetano ang pagsasabing “under attack” ang Senado.

Advertisement

Nang tanungin kung ito rin ang posisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., sumagot si Castro ng “Of course.”

Hindi naman direktang kinumpirma ng Malacañang kung “staged” o gawa-gawa lamang ang insidente, ngunit sinabi nitong malaya ang publiko na humusga batay sa mga lumalabas na opisyal na ulat.

Advertisement