Iimbestigahan ng Kamara de Representantes ang sunod-sunod na pagkaputol ng linya ng kuryente sa ilalim ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na nagresulta sa malawakang brownout sa Luzon at Visayas at nakaapekto sa milyun-milyong konsyumer.
Sa ilalim ng House Resolution No. 1024, inihain nina Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at Senior Deputy Speaker Ferdinand “Dinand” Hernandez ang panukalang imbestigasyon in aid of legislation kaugnay ng pagkaputol ng 500-kilovolt Tayabas–Ilijan at Dasmariñas–Ilijan transmission lines noong Mayo 13, 2026. Dahil dito, nawala ang mahigit 2,462 megawatts ng kuryente at nagpatupad ng red at yellow alert sa ilang bahagi ng bansa.
Bunsod ng malawakang disrupsyon, nagpatupad ang NGCP ng Manual Load Dropping o rotational brownout na nakaapekto sa tinatayang 3.9 milyong konsyumer sa Metro Manila, Batangas, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.
Ayon kay Speaker Dy, hindi katanggap-tanggap ang pagkakaroon ng malawakang pagkawala ng kuryente na bunga ng umano’y pagkabigo ng transmission system. Giit niya, ang kuryente ay pangunahing pangangailangan na may direktang epekto sa kabuhayan, negosyo, edukasyon, at araw-araw na pamumuhay.
Layunin ng imbestigasyon na alamin kung ang insidente ay sanhi ng force majeure o kakulangan ng NGCP sa maintenance at pagpopondo ng transmission system, gayundin ang pagsunod nito sa “N-1” contingency standard. Titingnan din kung may naging paglabag sa reportorial obligations ng kumpanya sa Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC), pati na ang estado ng Transmission Development Plan at posibleng epekto nito sa prangkisa ng NGCP.














