Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na muling lalakas ang ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng agresibong pamumuhunan, paghikayat ng mga bagong investor, at pagpapatupad ng mga bagong insentibo sa negosyo.
Ayon kay Marcos, pangunahing binabantayan ng pamahalaan ang banta ng “stagflation” o ang sabay na pagbagal ng ekonomiya at pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sinabi ng Pangulo na upang labanan ito, pinabilis ng gobyerno ang paggastos para sa mga pampublikong proyekto at nagpatupad ng mga hakbang upang mapababa ang implasyon.
Kabilang sa mga direktang tulong na kasalukuyang ipinamamahagi ng pamahalaan ang mga subsidiya at fuel discounts para sa sektor ng transportasyon.
Tututukan din umano ng administrasyon ang paghahanap ng mga bagong paraan upang masuportahan ang mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) bilang bahagi ng pagpapatatag ng ekonomiya laban sa epekto ng pandaigdigang krisis sa langis.
Binigyang-diin pa ni Marcos na mahalagang mapanatiling matatag ang sektor ng MSMEs upang mabawasan ang epekto ng pandaigdigang hamon sa ekonomiya at mapanatili ang katatagan ng bansa.














