Mariing pinabulaanan ni House Deputy Speaker Janette Garin ang mga ulat na umano’y may planong Charter change (Cha-cha) at pagpapalawig ng termino ang administrasyon sakaling mabigo ang impeachment case laban kay Bise Presidente Sara Duterte sa Senado.

Ayon kay Rep. Garin, walang katotohanan ang mga kumakalat na alegasyon at tinawag niya itong “pure chismis” lamang.

“This is pure chismis. There is absolutely no truth to these claims. Public officials should be responsible with their statements because these kinds of rumors only confuse and mislead the public,” pahayag ni Garin.

Ito ang naging reaksiyon ng mambabatas matapos banggitin ni Senadora Imee Marcos ang posibilidad na amyendahan ang Konstitusyon kung kulang ang magiging boto ng Senado upang mahatulan si Bise Presidente Duterte sa impeachment trial.

Advertisement

Binanggit din umano ni Marcos ang posibilidad ng tatlong taong dagdag na termino para sa mga kongresista at maging para sa kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr..

Binigyang-diin ni Garin na mapanlinlang umano ang naturang mga alegasyon at may motibong politikal upang ilihis ang tunay na usapin at lumikha ng takot sa publiko.

Aniya, batid ng administrasyon na mariing tinututulan ng mga Pilipino ang anumang “no-election scenario.”

Tiniyak din ng House Deputy Speaker na walang ganitong usapin sa House of Representatives at nanawagan siya sa mga opisyal ng pamahalaan na iwasang magpakalat ng haka-haka sa gitna ng sensitibong sitwasyon ng bansa.

“The impeachment process is already provided for under the Constitution. We should not poison public discourse with imaginary scenarios and conspiracy theories meant to create fear and division,” dagdag pa ni Garin.

Advertisement