Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bukas na para sa lahat ng indibidwal ang programang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) upang mas mabilis na makapagbigay ng tulong sa mga apektado ng krisis at sakuna.
Ayon kay DSWD Crisis Intervention Program Director Edwin Morata, hindi pinipili ng mga hindi inaasahang pangyayari gaya ng sakuna at energy emergencies ang apektadong sektor dahil naaapektuhan nito ang mahihirap, mayayaman, may trabaho man o wala.
Dagdag pa ng opisyal, patuloy na pinapahusay ng ahensya ang mga panuntunan ng programa upang mas matugunan ang pangangailangan ng iba’t ibang kliyente.
Mas pinadali rin umano ang proseso ng aplikasyon sa AICS kung saan dadaan na lamang ang mga benepisyaryo sa pagpila, assessment at interview, at paglabas ng tulong pinansyal.
Nagbabala rin ang DSWD laban sa mga fixer at paggamit ng pekeng dokumento matapos masampahan ng kaso ang dalawang indibidwal na nahuling paulit-ulit na nag-claim ng assistance gamit ang iba’t ibang identidad.
Sa ilalim ng AICS program, maaaring makakuha ng tulong para sa medical, burial, transportation, education, food, at iba pang pangangailangang pinansyal.














