Iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian ang pangangailangan ng malawakang pag-aayos sa Senado, lalo na sa imahe nito, matapos ang serye ng kaguluhan at kontrobersiyang yumanig sa mataas na kapulungan nitong mga nakaraang araw.

Ayon kay Gatchalian, naging sentro ng kaliwa’t-kanang puna at katatawanan sa internet ang mga naganap sa Senado, kabilang ang mga video na ginagawang memes at inihahalintulad sa isang “drama.”

Sinabi ng senador na mahalagang mabigyang-pansin ito ng kasalukuyang liderato o ng susunod na mamumuno sa Senado upang maibalik ang dignidad at kredibilidad ng institusyon.

Dagdag niya, sa loob ng sampung taon niya bilang senador ay ngayon lamang siya nakaranas ng ganitong uri ng sitwasyon sa mataas na kapulungan.

Advertisement

Aminado rin si Gatchalian na naapektuhan ang imahe ng Senado dahil sa mga kaguluhan, partikular na sa insidente ng pamamaril sa loob ng gusali.

Gayunman, sinabi niyang unti-unti nang lumilinaw ang mga detalye ng insidente at kinakailangang mailabas ang buong katotohanan upang mapanagot ang sinumang sangkot.

Binigyang-diin din ng senador na dapat matiyak na hindi na mauulit ang ganitong pangyayari upang maprotektahan ang integridad ng Senado.

Samantala, lumutang ang pangalan ni Gatchalian bilang isa sa mga posibleng maging susunod na pangulo ng Senado dahil umano sa kakayahan nitong pag-isahin ang mga miyembro ng majority at minority bloc.

May ilang senador na rin ang nagpahayag ng kumpiyansa sa kakayahan ni Gatchalian na pamunuan ang mataas na kapulungan.

Advertisement