Kinuwestiyon ng Mayors for Good Governance ang pitong buwang pagliban ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa Senado bago ito muling nagpakita noong Mayo 14, 2026 para bumoto sa pagpapalit ng liderato sa kapulungan.

Sa inilabas na pahayag ng grupo, sinabi nitong habang tumatanggap umano si dela Rosa ng halos P300,000 kada buwan bilang senador, tinatayang nasa P2.1 milyon na ang kanyang natanggap na sahod kahit matagal itong hindi dumadalo sa Senado.

Ayon sa grupo, taliwas ito sa nararanasan ng mga ordinaryong manggagawa kung saan umiiral ang prinsipyong “no work, no pay” at ang matagal na pagliban ay maaaring magresulta sa suspensyon o pagkawala ng trabaho.

Iginiit ng mga alkalde na malaking insulto umano sa publiko ang patuloy na pagtanggap ng sahod ng isang halal na opisyal na hindi umano tumutupad sa kanyang tungkulin, lalo na sa panahon na maraming Pilipino ang nahaharap sa kahirapan, mataas na presyo ng mga bilihin, at problema sa kabuhayan.

Advertisement

Nanawagan din ang grupo sa mga senador na huwag gawing “kanlungan ng absenteeism” ang Senado at huwag umanong protektahan ang mga opisyal na umiiwas sa kanilang responsibilidad.

Binigyang-diin pa ng grupo na ang mga mambabatas mismo ang dapat manguna sa pagsunod sa batas at paninindigan ang pananagutan, integridad, at kapakanan ng sambayanang Pilipino.

Advertisement