Nanawagan si Grace Nancy Dela Rosa sa hudikatura na huwag payagan ang pagdadala kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa The Hague matapos maglabas ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban dito.

Sa isang social media post, iginiit ni Grace Nancy na mas nararapat umanong litisin si dela Rosa sa korte ng Pilipinas kaysa isuko sa isang international tribunal.

Ayon sa kanya, ang boluntaryong pagsuko ng isang Pilipino sa ICC ay maituturing umanong pag-amin na mahina at walang kakayahan ang sistemang hudisyal ng bansa.

Sinabi rin niya na wala na umanong sapat na oras para sa mahahabang debate at teknikal na argumento dahil habang wala pang malinaw na desisyon ay mas lumalapit umano ang posibilidad ng pagdakip kay dela Rosa.

Advertisement

Nanawagan din siya sa mga nasa hudikatura na huwag magpatinag at panindigan ang soberanya ng bansa, kasabay ng pahayag na ang magiging desisyon nila ay maaalala sa kasaysayan.

Si dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP) at dating Davao City police chief sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay kabilang umano sa mga tinukoy ng ICC prosecutors bilang co-perpetrators sa umano’y “common plan” kaugnay ng mga pagpatay sa war on drugs campaign ng nakaraang administrasyon.

Muling nagpakita si dela Rosa noong Mayo 11 upang lumahok sa botohan para sa pagbabago ng liderato sa Senado matapos ang anim na buwang pagkawala sa publiko sa gitna ng mga ulat tungkol sa ICC arrest warrant laban sa kanya.

Iginiit din ni Grace Nancy na hindi dapat ikumpara ang sitwasyon ng kanyang asawa kay Duterte na kasalukuyang humaharap sa pagdinig ng ICC.

Noong nakaraang linggo, ibinasura ng Korte Suprema ng Pilipinas ang kahilingan ni dela Rosa para sa temporary restraining order (TRO) at status quo ante order (SQAO) laban sa posibleng pagpapatupad ng ICC arrest warrant.

Kasunod nito, iniutos ng Department of Justice (DOJ) sa mga law enforcement agency na ipatupad ang arrest warrant laban sa senador.

Advertisement