Humingi ng paumanhin si Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri sa pamilya ng yumaong television host at veteran entertainment journalist na si Lourdes Carvajal o mas kilala bilang “Inday Badiday,” matapos niyang mabanggit ang pangalan nito sa gitna ng mainit na debate sa Senado noong Lunes.

Sa isang Facebook post, inamin ni Zubiri na “slip of the tongue” ang kaniyang naging pahayag habang tumututol sa video presentation ni Senadora Imee Marcos kaugnay ng umano’y Charter Change o Cha-cha at term extension sa gobyerno.

Binigyang-diin ng senador na malaki ang respeto niya kay Carvajal, na nakilala sa mga showbiz talk show na “See True” at “Eye to Eye” noong dekada ‘80 at ‘90.

Ayon kay Zubiri, bahagi si Inday Badiday ng kulturang popular sa Pilipinas at kinagigiliwan ng maraming Pilipino dahil sa kaniyang kakaibang charm, wit, at warmth.

Advertisement

Nag-ugat ang isyu matapos tutulan ni Zubiri ang video na ipinakita ni Marcos sa plenary session ng Senado na naglalaman umano ng alegasyon na itinutulak ng administrasyon ang Charter change at term extension.

Tinawag ni Zubiri ang video bilang “horrible propaganda” at hiniling na alisin ito sa Senate record, bagay na sinuportahan ng ilang senador mula sa minority bloc ngunit tinutulan ni Senador Rodante Marcoleta.

Sa gitna ng kaniyang manifestation, nabanggit ni Zubiri si Inday Badiday habang pinupuna ang uri ng diskursong nangyayari sa Senado.

“Inday Badiday na ba tayo rito sa Senado?” ani Zubiri, kasunod ng kaniyang paghingi ng paumanhin sa mga nanonood ng sesyon.

Sa kaniyang apology post, nilinaw ng senador na ang kaniyang pagkadismaya ay nakatuon sa ipinakitang video at hindi kailanman layuning bastusin ang alaala ng yumaong mamamahayag.

Advertisement