Iginiit ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Melencio Nartatez Jr. na walang espesyal na pagtrato kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa gitna ng pagpapatupad ng warrant of arrest laban dito mula sa International Criminal Court (ICC).
Ginawa ni Nartatez ang pahayag ngayong Miyerkules, Mayo 27, kasunod ng mga pangamba na maaaring maging “malambot” ang ilang opisyal ng pulisya sa dating hepe ng pambansang pulisya dahil sa matagal nitong ugnayan sa organisasyon.
Ayon sa PNP chief, bagamat nananatili ang respeto ng institusyon kay dela Rosa bilang dating lider ng ahensya, tiniyak niyang walang magiging espesyal na pagtrato sa senador.
Sinabi rin ni Nartatez na ipatutupad ng mga tauhan ng PNP ang lahat ng lehitimong direktiba sa isang propesyunal, patas, at transparent na paraan.
Dagdag pa niya, inaasahan na susundin ng lahat ng PNP personnel ang standard operating procedures nang walang kinikilingan at walang pinapaboran.
Matatandaang nagsilbi si dela Rosa bilang PNP chief mula 2016 hanggang 2018 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.














