Pinabulaanan ni Senadora Risa Hontiveros ang pahayag ni Senador Robin Padilla na maaaring gamiting “force majeure” ang tensyon sa Middle East, China-Taiwan conflict, at El Niño upang payagan ang online participation at pagboto ng mga senador sa Senado.
Ayon kay Hontiveros, hindi sapat na dahilan ang mga nabanggit na sitwasyon upang amyendahan ang umiiral na Senate rules na nagpapahintulot lamang ng virtual participation sa panahon ng national emergency o pandemya.
Giit pa ng senador, sa halip na manatili online, mas mahalagang personal na dumalo ang mga mambabatas upang tugunan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at iba pang problemang nararanasan ng mga Pilipino.
Nauna nang naghain si Senador Rodante Marcoleta ng panukalang amyenda sa Senate rules upang payagan ang teleconferencing sa mga sesyon, bagay na tinutulan ng minority bloc dahil umano sa pagmamadali at paglabag sa umiiral na proseso ng Senado.














