Nakatakdang maghain ng apela ang kampo ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos bawiin ng Philippine National Police (PNP) ang kanyang License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at firearm registrations kaugnay ng kinahaharap nitong arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa panayam, sinabi ni Atty. Israelito Torreon na walang legal na batayan ang pagbawi sa lisensya ng senador dahil wala naman umano itong conviction sa Pilipinas at wala ring inilabas na utos ang anumang korte sa bansa laban dito.
Ayon kay Torreon, nakasaad sa Section 39 ng Republic Act 10591 ang mga grounds para sa revocation ng firearms license at hindi kabilang dito ang pagkakaroon lamang ng pending criminal case. Giit pa niya, ang mga criminal-related grounds lamang umano ay conviction o court order mula sa Philippine courts.
Nauna nang kinumpirma ng Police Regional Office 11 na natanggap na ng legal representative ni Dela Rosa ang order ng revocation na inilabas ng PNP Firearms and Explosives Office (FEO). Nakasaad din sa kautusan na dapat isumite o kumpiskahin ang 117 baril na nakarehistro sa pangalan ng senador.
Iginiit naman ng FEO na nakabatay ang kanilang hakbang sa Section 4 ng Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act dahil sa kinahaharap na kasong may parusang higit sa dalawang taong pagkakakulong.
Hindi rin sang-ayon si Torreon sa pananaw na maituturing na korte sa ilalim ng batas ng Pilipinas ang ICC sa pamamagitan ng Doctrine of Incorporation. Aniya, bahagi lamang ng batas ng bansa ang international law ngunit hindi nito ginagawang bahagi ng Philippine courts ang ICC.
Sa ngayon, sinabi ng abogado na si Dela Rosa lamang ang makapagpapasya kung susundin nito ang kautusan na isuko ang kanyang mga baril.














