Nagbabala ang National Bureau of Investigation o NBI laban sa mga scammer na nagpapakalat ng pekeng impormasyon hinggil sa umano’y kinaroroonan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, hindi magdadalawang-isip ang ahensya na arestuhin ang sinumang gagamit sa isyu para makapanloko ng publiko kasunod ng mga ulat na nagtatago si Dela Rosa dahil sa arrest warrant ng International Criminal Court o ICC.

Sinabi ni Matibag na posibleng mauna pang mahuli ang mga scammer kaysa kay Senador Dela Rosa kung magpapatuloy ang kanilang modus.

Sa parehong briefing, ipinakita ng NBI ang isang lalaking inaresto ng Organized and Transnational Crimes Division sa isang condominium sa Quezon City noong Mayo 19 dahil umano sa pagpapanggap bilang opisyal ng gobyerno upang makapanghingi ng pera sa mga biktima.

Advertisement

Ayon sa NBI, narekober mula sa suspek ang ilang mobile devices na posibleng naglalaman ng sensitibong impormasyon kabilang ang contact numbers ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan.

Ibinunyag din ni Matibag na personal niyang nakausap ang suspek matapos itong magpakilalang may impormasyon hinggil sa kinaroroonan ni Dela Rosa at humingi ng tulong pinansyal para umano sa anak nitong may sakit.

Dahil dito, nagsagawa ng entrapment operation ang NBI ngunit pansamantalang nawala umano ang komunikasyon ng suspek bago ito tuluyang maaresto sa hiwalay na reklamo ng pagpapanggap bilang NBI official na kayang magpaayos ng kaso kapalit ng pera.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng NBI ang suspek at nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga, estafa, robbery, at extortion.

Advertisement