Binigyang-diin ni Senador Francis “Chiz” Escudero na kasalukuyang walang pangulo ang Senado.
Ito ang pahayag na ibinigay ng senador sa kaniyang podcast na inilabas ngayong Linggo, Hunyo 7.
Dito nilinaw niya na nagsisilbi lamang bilang acting senate president si Senador Sherwin Gatchalian. Si Gatchalian din ang inihalal bilang Senate President Pro Tempore ng 12 senador na bumuo sa quorum ng sesyon nitong nagdaang Miyerkules, Hunyo 3, kung saan malinaw rin na binigyang-diin ang kaniyang naunang tungkulin.
Matatandaang si Escudero ang kumumpleto sa quorum ng Senate plenary session sa parehong araw at sinasabing bumasag sa deadlock ng Mataas na Kapulungan matapos ang dalawang araw nitong hindi makapagsesyon dahil sa hindi pagdalo ng majority bloc sa ilalim ni Senate President Alan Peter Cayetano. Sinundan ito ng balasahan sa committee chairmanships kung saan napanatili sa kanya ang kumite ng Housing sa ilalim ng kinikilalang bagong Mayorya.
Matapos i-adjourn ang sesyon sine die, naglabas ng pahayag si Escudero upang ipaliwanag ang pagdalo sa sesyon matapos ang mapagkaisang hindi pagsipot ng ngayo’y Cayetano bloc ng dalawang araw.
Hiwalay namang nagpahayag ng pagiging bukas sa pakikipagpulong si Gatchalian matapos ang imbitasyon ni Cayetano sa layuning mapag-usapan ang hindi pagkakasundo ng dalawang panig at matukoy ang umano’y “tunay na Senate President.”














