Pinalalakas ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO-Naga) ang kanilang contingency measures para sa mga komunidad ng paaralan bilang paghahanda sa posibleng epekto ng tag-ulan at mga kaugnay na sakuna tulad ng baha at landslide.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Raynor Rodriguez na nakatutok ang kanilang tanggapan sa mas maagang paghahanda upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at school personnel sa panahon ng masamang panahon.

Ayon kay Rodriguez, kabilang sa mga prayoridad ng kanilang tanggapan ang real-time monitoring ng lagay ng panahon, regular na koordinasyon sa mga paaralan, at pre-emptive measures gaya ng pagsusuri sa evacuation routes at designated safe areas.

Dagdag pa niya, nakikipag-ugnayan din ang CDRRMO sa Department of Education upang tiyakin na handa ang mga paaralan sa posibleng suspension ng klase at mabilis na paglikas kung kinakailangan.

Advertisement

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng community awareness, lalo na sa mga magulang at mag-aaral, upang agad na makasunod sa mga babala at abiso ng lokal na pamahalaan kapag lumalala ang kondisyon ng panahon.

Ayon sa CDRRMO-Naga, bahagi ng pinaigting na preparasyon ang information drives at simulation exercises sa mga paaralan upang masanay ang mga komunidad sa tamang response tuwing may banta ng pagbaha o iba pang kalamidad.

Patuloy na hinihikayat ng ahensya ang publiko na maging mapagmatyag at sumunod sa mga opisyal na anunsyo upang maiwasan ang anumang sakuna ngayong tag-ulan.

Advertisement