Nangangamba ang Cayetano bloc sa nalalapit nang pagreretiro ni Chief Justice Alexander Gesmundo sakali man na iakyat nila sa Korte Suprema ang usapin ng liderato ng Senado.
Ayon kay Senador Rodante Marcoleta, posible umanong makaapekto ang Malakanyang sa pipiliing bagong punong mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman.
Nakatakda nang magretiro si Gesmundo ngayong Nobyembre 6. Kaugnay nito, may anim na rin umanong mahistrado ang nagpahayag o nakikitaan ng interes ng paghalili nilang susunod na chief justice.
Sabi ng senador, baka umano makaapekto sa paghirang ng bagong punong mahistrado ang kanilang magiging desisyon sa nasabing usapin ng Senado sakaling taliwas man ito sa kagustuhan ng Malakanyang.
Kasabay ang nasabing pahayag ng paniniwala ni Marcoleta na tanging ang Korte Suprema ang makatutuldok sa hidwaan ng dalawang panig sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso. Aniya, ang hukuman ang tanging “aribter,” habang hindi niya naman kinukunsidera ang pagkilala sa liderato ni Senador Sherwin Gatchalian mula sa Kamara de Representantes at Malakanyang.
Sinabi ito ng mambabatas matapos mapabalita ang pagkakabasura sa petisyon ng isang high school teacher na si Barry Tayam nang dahil sa kakulangan sa legal standing. Nakikita ito ng iilan bilang hudyat na tanging nasa kamay na ng mga senador ang paghahain ng ano man na petisyon upang bigyang-linaw ang sigalot sa liderato.
Posibleng mailagay kung sakali ang usapin ng naging desisyon ng parehong korte taong 1949 sa kaso ng Avelino vs. Cuenco, na halos may pagkakapareho sa batayan ng nangyaring plenaryo nitong Hunyo 3 sa ilalim ng pamumuno ni Gatchalian. Ang pangunahing debate lamang na nakikita sa dalawang sitwasyon ay 1935 Constitution pa ang batayan sa naunang kaso habang Saligang Batas ng 1987 na ang umiiral hanggang sa kasalukuyan.
Sakaling iakyat ito sa Korte Suprema, matutukoy kung kakatigan ba nito ang naging desisyon taong 1949 o maglalatag na ito ng bagong batayan sa mga susunod na sitwasyong may kaparehong suliranin.














