Mariing pinabulaanan ni Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Erwin Garcia ang alegasyong tumanggap siya ng P10 milyong umano’y ipinadala ng mga dating bodyguard at bagman ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Sa isang press conference na pinangunahan ni dating Rep. Mike Defensor, na inirekomenda ng Comelec na sampahan ng kasong indirect bribery, sinabi ng mga nagpakilalang bagman na sila umano ang naghatid ng P10 milyong nagmula sa mga flood control project para kay Garcia.
Ayon kay Garcia, walang katotohanan ang mga paratang at iginiit niyang wala siyang anumang kaugnayan sa mga proyekto sa flood control.
Binigyang-diin din niya ang umano’y magkakasalungat na pahayag ng mga nag-aakusa. Aniya, nauna nang sinabi ng mga ito na apat na maleta ang kanilang inihatid sa kanya sa harap ng Midas Hotel, ngunit ngayon ay sinasabing maliliit na bag lamang ang ginamit.
Dahil dito, sinabi ni Garcia na tila may nagtuturo sa mga nag-aakusa kung ano ang dapat nilang sabihin, sa halip na ilahad ang tunay na nangyari.








